Ito ang sinabi kahapon ni Minority Leader Carlos Padilla na naghihinalang may "hidden agenda" ang dalawang senador sa pagpipilit kay FPJ na tumakbo sa 2004 kahit hindi pa naman ito handa.
Naniniwala din ang solon na hinaharang nina Angara at Sotto ang pakikipag-usap ni Lacson kay FPJ dahil natatakot ang dalawa na makumbinsi ng una ang aktor na huwag nang kumandidato.
Hindi umano payag sina Sotto at Angara na magbago pa ang isip ni FPJ na posibleng mangyari kapag nagkausap sila ni Lacson.
Sinabi din ni Padilla na maaaring "deep penetration agent" o DPA ng Malacañang si Angara at ito mismo ang sumisira sa oposisyon.
Kabilang aniya sa compromise agreement sa pagitan ni Angara at Pangulong Arroyo ang indirect approach upang masigurong hindi mananalo si FPJ sa 2004. (Ulat ni Malou Rongalerios)