Ito ang mariing pahayag ng Union for Fresh Leadership (U-Lead!), isang non-governmental organization, na binubuo ng mga dating kabataang aktibista at kadre sa panahon ng martial law ng pinatalsik na Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay U-Lead! chairman Edina Almodal, dapat ipakita ni Pangulong Arroyo sa mamamayan ang kanyang kakayahan na magbigay ng bagong perspektiba sa kanya liderato (fresh leadership) sa pagpapatalsik sa mga ahente at operatibang ito, sa halip na makuntento sa photo-op activities. Sa bagong liderato sa kanyang pamahalaan, malaki pa ang posibilidad na malampasan niya ang hamon ng May 2004, sa harap ng malakas niyang mga kalaban sa pulitika.
Binanggit ng U-Lead! ang Senate expose kahit kamakailan na tinukoy ang mga sensitibong ahensiya ng gobyerno na pinamumugaran ng mga US agents, na nagkukunwaring Filipino consultants sa ilalim ng AGILE, na direktang pinopondohan ng USAID. Kabilang sa mga pinasok na umano ng mga ahenteng ito ang Central Bank, Bureau of Internal Revenue at Supreme Court. Tinukoy naman ng U-Lead! ang nasa Department of Transporation and Communication (DoTC), partikular na ang attached agency nitong Civil Aeronautics Board (CAB).
"Si Mr. Alberto Lim na isa sa mga may mahigpit na koneksyon sa Estados Unidos ay patuloy pa ring nanunungkulan sa pamahalaang Arroyo at kumakatawan pa sa Pilipinas sa mga negosasyon para sa bansa. Hindi nakapagtataka kung bakit laging nasusunod ang kapritso ng US at lubhang kaawa-awa ngayon ang kalagayan ng aviation industry ng ating bansa," dagdag ng U-Lead!
Nanawagan din si Almodal sa Pangulo na agad na patalsikin si Lim bilang director ng CAB. Sa Senate hearing ng committee on foriegn relations na pinamumunan ni Senator Manny Villar, tinukoy si Lim at ang isang Milo Abad sa ilalim ng Freedom to Fly Coalition (FFC), na may direktang operational at funding links sa USAID.
Sa ngayon, iginigiit ng US sa Pilipinas na ipatupad ang unlimited air traffic rights kaugnay ng Open Sky Policy sa ilalim ng 1980 agreement na pinasok ng rehimeng Marcos. (Ulat ni Ellen Fernando)