SC pabor baguhin ang Konstitusyon

Payag ang administrador ng Supreme Court (SC) na magkaroon ng pagbalasa sa Saligang Batas o Charter Change upang mas lalo pang mabigyan ng kalayaan ang sangay ng hudikatura.

Sinabi ni SC Administrator Presbiterio Velasco Jr., na matapos ang tangkang pagpapatalsik sa puwesto laban kay SC Chief Justice Hilario Davide Jr. ay mas makabubuting magkaroon ng pagbabago sa Constitution upang hindi maging biktima ng anumang panggigipit ng ilang tiwaling pulitiko at negosyante.

Kasama sa mga pinuntirya ni Velasco na dapat lamang na ma-amyendahan ay ang paraan ng paglalagay ng mga mahistrado ng SC.

Makabubuting ang punong mahistrado na lamang ang hihirang ng mga miyembro ng hukuman sa halip na ang Pangulo. Layon umano nito na huwag mabahiran ng pulitika ang sino mang mauupong mahistrado.

Sa ilalim ng lumang Saligang Batas, ang punong mahistrado ang may kapangyarihan na mamili kung sino mang justice ang nararapat umupo.

Gusto ni Velasco na mabago na ang proseso ng pagkakaloob ng budget sa hudikatura at iminungkahi nitong alisin na sa Kongreso ang kapangyarihan ng pagkakaloob ng taunang budget. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments