Sinabi ng Pangulo na hindi dapat sisihin ang mga pulis kung i-disperse man ang hanay ng mga nagprotesta dahil nilabag nila ang ipinagkaloob sa kanilang permiso na tapusin hanggang alas-5 ng hapon ang kanilang demonstrasyon.
Ang mga nagprotestang grupo ay mga miyembro ng Peoples Movement Against Poverty, October 28 Movement, Anak Pawis, Peoples Alliance for Truth and Justice, Kilusan para sa Makatarungang Lipunan at Gobyerno, Philippine Guardians Brotherhood Inc. at Pambansang Sentro ng Manggagawa sa Transportasyon sa Pilipinas.
Hinihingi nila ang pagbibitiw ng Pangulo dahil sa hindi raw mahusay na pangangasiwa sa kasong impeachment laban kay Chief Justice Hilario Davide at sa brutal na pagpaslang kay dating ATO chief Panfilo Villaruel na nagtake-over sa NAIA control tower.
Sinabi ng Pangulo na nalulungkot siya na ang mga taong sangkot sa rally ay nagagamit ng ilang mga taong desperadong makapaglunsad ng destabilization.
Sa halip anyang daanin sa mga demonstrasyon ang mga lehitimong karaingan ng mamamayan, mayroong angkop na panahon at pamamaraan para maipaabot nila ang kanilang karaingan at ito'y sa halalan sa 2004. (Ulat ni Lilia Tolentino)