Sa 36-pahinang desisyon, lumalabas na mahina ang ebidensiyang iniharap ng prosekusyon para idiin si Strunk sa kaso.
Wala rin anyang sapat na ebidensiya na inupahan ni Strunk ang isa pang suspek sa kaso na si Philip Medel para patayin si Nida. Hindi anya credible witness si Medel dahil pabagu-bago ang mga statement nito.
Kasabay ng desisyon ay ipinag-utos ng korte ang pagpapalaya kay Strunk na 200 araw ng nakapiit sa Sacramento County Jail matapos maaresto nitong May 13.
Ayon kay Justice Undersecretary Merceditas Gutierrez, pinal na ang naging desisyon ni Judge Hallows at mahirap nang ipaglaban pa ang kaso. Karaniwan nang hindi nakakalusot ang kahilingan ng isang bansa na pabalikin ng Pilipinas ang isang akusado kung natalo na ang kanilang extradition case sa Amerika.
Masama ang loob ni Gutierrez dahil binalewala ng US court ang mga ebidensiyang iniharap ng Pilipinas.
Sinabi ni Gutierrez na ginawa nilang lahat ang kanilang magagawa at noong una pa man ay tiwala sila na magwawagi ang kanilang kaso upang mapuwersang pabalikin ng Pilipinas si Strunk at harapin nito ang kanyang kasong murder sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) kasama si Medel.
Sa kabila nito, gagawin pa rin nila ang lahat ng paraang legal para manatiling buhay ang kaso para mapabalik sa bansa si Strunk at upang mabigyan ng pagkakataon na harapin ang kanyang kaso.
Matatandaan na nakalabas ng bansa si Strunk upang puntahan ang kanyang inang may sakit sa California, subalit binawian din ito ng buhay samantalang hindi naman nagawang harangin ng DOJ si Strunk sa kanyang pag-alis dahil wala pang kasong kriminal na nakasampa noon laban dito.
Tiniyak naman ni Gutierrez na hindi pa rin nila lulubayan ang kaso dahil nakatakdang maghain ng apela ang DOJ sa mas Mataas na Hukuman sa pamamagitan ng motion for reconsideration.
Inaasahang makakalaya sa loob ng 24 oras si Strunk. (Ulat ni Gemma Amargo)