Ayon sa Commission on Elections (Comelec), mula sa nasabing bilang, tiniyak ng Department of Science and Technology (DoST) na 456 ACMs na sinuri na ng Metals Industry Research and Development Center (MIRDC) sa ilalim ng DoST ay pawang 100% accurate ito sa pagbibilang.
Nabatid na isa lamang sa mga machine ang sinasabing may 99.998% accurate rating na maaari pa ring gamitin sa pagbibilang ng boto.
Nabatid na ang 1,991 vote counting machines ay inorder ng Comelec mula sa Mega Pacific eSolutions Inc., isang consortium na kinabibilangan ng South Korean manufacturer ng mga machines, ang high-tech na gagamitin ng Comelec upang magbilang na kabilang sa Phase 2 ng Comprehensive Electoral Modernization Program ng poll body.
Sinabi ni MIRDC executive director Rolando T. Villoria, chairman ng DoST Technical Evaluation Committee at incharge sa electoral automation, kilala rin bilang Phase 2 ng poll modernization program na mababasa o mabibilang lamang ang bawat balota ng makina kapag na-shade na maigi ang mga kahon o boto. Kapag hindi tinanggap ng machine ang balota ay maaring ipasok ito ng hanggang sa tatlong ulit.
Hindi nilinaw kung tatanggapin pa rin ang bawat balota na mare-reject ng ACMs ng mahigit sa tatlong beses. (Ulat ni Ellen Fernando)