Ito ang sinabi kahapon ni Health Secretary Manuel Dayrit sa paglulunsad ng implementing guidelines ng Republic Act 8976 kasama ang Bureau of Food and Drugs, Philippine Chamber of Commerce and Industry at ibat ibang food manufacturers.
Sinabi ni Dayrit na mandatory na sa Nobyembre 2004 sa lahat ng food manufacturers maging local o imported products ang food fortification o paglalagay ng sangkap ng fortified vitamins kabilang ang Vitamin A, Iron at Iodine sa limang pangunahing pagkain tulad ng bigas, arina, mantika, asukal at asin.
Ang mahigpit na pagpapatupad ng batas ay bunsod ng seryosong suliranin ng bansa sa patuloy na kaso ng malnutrisyon, low intelligence quotient (IQ) at abortion dahil walang sapat na amount ng nasabing mga bitamina ang katawan ng isang Pinoy.
Ang kakulangan ng bitamina sa katawan ang dahilan ng ibat ibang sakit at madaling pagkamatay, ayon pa kay Dayrit.
Nabatid na ang mga imported food manufacturers ay sisiyasatin ng BFAD kung ang pagkain na ipinapasok nila sa Pilipinas ay fortified foods. Bagaman makikita naman ito sa label ng isang imported products ay hihilingin pa rin nila sa importers ang documentary support of claim para patunayan ito.
Nilinaw naman ng DOH na sakaling lumabag ang mga imported at local food manufacturers sa food fortification law ay hindi na papayagan ang distribusyon nila sa mga supermarkets at sari-sari stores, kakanselahin ang kanilang rehistro sa BFAD at pagmumultahin din hanggang P1 milyon ang mga manufacturer.
Base sa data ng Food Nutrition and Research Institute, apat sa 10 pre-schoolers ay may Vit. A deficiency, habang 3 sa 10 ay kulang sa iron at iodine na nagreresulta upang maging bobo at mahina ang kanilang pag-iisip. (Ulat ni Gemma Amargo)