Ito ang tahasang sinabi ni Sen. Drilon matapos hindi maayos na maipatupad ang Dual Citizenship Act ng DFA na inaasahang magdadala ng karagdagang P2.5 bilyon sa pananalapi ng ating kaban.
Ayon kay Drilon, hanggang hindi binabago ng DFA ang kanilang posisyon ukol sa pagpapatupad ng Dual Citizenship Act ay hindi niya papayagang ipasa ng Senado ang budget nito na nagkakahalaga ng P4.5 bilyon.
Aniya, hindi tama ang ginawang patakaran ng DFA ukol sa pagpapatupad ng Dual Citizenship Act kung saan ay nais nila na maging pre-requisites na magparehistro bilang absentee voters bago magparehistro sa Dual Citizenship.
Wika pa ni Drilon, aabot sa P2.5 bilyon ang maipapanik na pananalapi sa ating kaban mula sa processing fees sa Dual Citizenship subalit dahil sa ipinapatupad na prosesong ito ng DFA ay mawawala ito.
Idinagdag pa ng senador na nag-expire na ang pagpaparehistro para sa absentee voters nitong September 30 at hindi dapat ito ang gamiting batayan para makapagparehistro sa Dual Citizenship. (Ulat ni Rudy Andal)