Sa isang pahayag, sinabi rin ni Michael Kho, general manager ng Duty-Free Philippines na hindi lamang ang kita ng kanilang tindahan ang inaasahang aangat, kundi matitiyak din ang kasiguraduhan ng trabaho ng mahigit sa 800 empleyado nito.
Bukod dito, makakatugon din ang DFP sa iba pa nitong tungkulin tulad ng pagtulong sa pagsusulong ng turismo sa bansa.
Ayon pa kay Kho, tatlong taon ang kanilang pinaghintay bago ipatupad ang pinasok na kontata sa CMH ni dating GM Faustino Salud upang tiyakin na hindi magiging agrabyado ang DFP dito.
Aniya, ang kasunduan ay isang magandang hakbangin para sa DFP hindi lamang sa pinansiyal na kapakinabangan nito, kundi maging sa pagtiyak ng kabuhayan ng mga empleyadong nakasalalay ang kinabukasan sa DFP.
Aabot sa P270 milyon ang inaasahang kita ng DFP bukod pa sa mababawasan ang tindahan ng kinakailangang puhunan upang mapanatili ang operasyon nito.
Tiniyak din ni Kho sa mga empleyado ng DFP na patuloy na gumagawa ng paraan ang liderato ng DFP upang ganap na umangat ang kita ng DFP at nang sa gayon ay mabigyan ng karampatang pagtaas sa sahod at benepisyo ang mga kawani nito. (Ulat ni Butch Quejada)