Davide tagilid na

Matapos tumayong presiding justice sa impeachment trial ni dating Pangulong Estrada, inaasahang muling haharap sa Senado si Supreme Court Justice Hilario Davide, pero bilang isang akusado matapos magtagumpay kahapon sa House of Representatives ang pag-eendorso sa kanilang reklamong pagpapatalsik kay Davide.

Bagaman at nasa tanggapan pa ni House Secretary General Robert Nazareno ang ikalawang impeachment complaint na inihain nina Camarines Sur Rep. Felix Fuentebella at Tarlac Rep. Gilbert Tedoro, ikinokonsidera nang na-impeached si Davide sa House matapos umabot na sa 87 kongresista ang nag-endorso dito.

One third lamang ng kabuuang bilang ng mga mambabatas na 213 ang kailangan para maisampa ang kaso pero humigit pa ito kaya hindi na ito dadaan pa sa House committee on justice para litisin base na rin sa impeachment rules. Inaasahang agad iaakyat ang kaso sa Senado.

Sa naturang impeachment, inireklamo si Davide ng corruption, culpable violation of the Constitution at pagkakanulo sa tiwala ng mamamayan dahil sa diumano’y maanomalyang paggamit ng multi-billion peso Judiciary Development Fund (JDF).

Ang JDF fund ay itinatag sa ilalim ng Presidential Decree 1949 noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Walumpung porsiyento ng nasabing pondo ay inilalaan para sa karagdagang allowance at benepisyo ng mga kawani ng hudikatura at ang 20 porsiyento naman ay para sa pagbili ng mga kagamitan.

Pero natuklasan umano ng Commission on Audit na hindi napunta sa mga empleyado ng hudikatura ang malaking porsiyento ng pondo at sa halip ay sa pagbili ng mga luxury cars na nagkakahalaga ng P30 milyon para sa mga miyembro at opisyal ng SC.

Ginamit din umano ang pondo sa pagbili ng mga kurtina na nagkakahalaga ng P5.5 milyon at sa mga furniture sa session hall ng SC na nagkakahalaga ng P8.1 milyon.

Umabot din sa P34 milyon ng JDF ang ginamit sa pagtatayo ng mga bahay-bahayan sa Baguio City para gamitin ng mga SC justices.

Samantala, hindi naman nakasisiguro si Justice Davide na maisasalba siya ng mga senador na kaalyado ni Pangulong Arroyo dahil maging ang mga ito ay galit din sa kanya.

Ito ang ibinunyag ng isang political stategist ng isang senador na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Ayon sa source, posibleng tuluyang masibak sa puwesto si Davide kung hindi magiging solido ang majority bloc ng Senado na pinangungunahan ni Senate President Franklin Drilon.

Sa sandaling maihatid ang impeachment complaint sa Senado ay ihahanda na ang pagiging impeachment court nito at ang 22 senador ang tatayong mga hukom.

Araw-araw ang magiging trial puwera na lamang kung Sabado, Linggo at holiday at gaganapin ito mula alas-2 ng hapon.

Sinabi ni Drilon na kahit mag-adjourn ang Senado sa darating na February 6 ay hindi maapektuhan ang pagiging impeachment court ng Mataas na Kapulungan matapos lang ang pagdinig sa reklamo laban kay Davide. (Ulat nina Malou Rongalerios at Rudy Andal)

Show comments