Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye, mismong ang PCSO at pribadong grupo na Gawin Natin-Lakas Pinoy na sinasabing tumanggap ng pondo sa PCSO, ay itinanggi ang alegasyon.
Sa paratang ni Lacson, pinayagan umano ng Pangulo ang Gawin Natin-Lakas Pinoy na makakuha ng P2 milyon sa PCSO na ginamit naman sa pagpapagawa ng mga campaign streamers na "Run Gloria Run."
Ayon sa Pangulo, ang mga akusasyong ginawa ni Lacson ay nakalikha na ng kasiraan sa Senado.
"Even as President I have never used my office to malign anyone without proof. Senator Lacson should review his lessons in basic justice and fair play, and most of all in democratic leadership," sabi ng Pangulo.
Ibinasura rin ng Palasyo ang hiling ni Lacson na isailalim sa independent auditing ang PCSO upang mabunyag ang mga anomalya umano sa pondo.
Ikinatuwiran ni Bunye na sapat na ang pagbusisi ng Commission on Audit sa pondo ng PCSO. (Ulat nina Ely Saludar/Lilia Tolentino)