Ito ang nabatid kahapon base sa pinakahuling impormasyon na nakalap sa tanggapan ni Major Gen. Raul Relano, chief ng AFP-Civil Military Operations (J7).
Ayon kay Relano, maliban sa pagiging espiya ay ginagawa rin ang mga itong mga mensahero, couriers, lookouts, taga-dala ng supplies, taga-detect at tinuturuan ring gumawa o mag-assemble ng mga eksplosibo tulad ng mga landmines bomba at iba pa.
Ayon sa opisyal, inilalagay ng NPA sa kapahamakan ang buhay ng mga walang muwang na kabataan partikular na sa pagtukoy at pagtatanim ng bomba sa mga lugar na inaakala ng mga rebelde na peligroso ang kanilang kalagayan kung di mandaraya sa labanan kaya ang mga kabataang recruits ang kadalasang napipinsala.
Sa rekord ng International Committee on the Red Cross (ICRC), kinumpirma nitong aktibo ang NPA sa pangangalap ng mga kabataang edad 10-16 anyos.
Magugunita na ibinulgar ng militar na dinodroga muna ng mga rebelde ang mga kabataang ipinansasabak ng mga ito sa labanan at patunay nito ay ang ilang mga menor-de-edad na nadakip sa encounter na nanlilisik pa ang mga mata at walang takot sa sagupaan sa kabila ng kawalan ng kasanayan. (Ulat ni Joy Cantos)