Minor sa death row di bibitayin - DOJ

Hindi papayagan ng Department of Justice (DOJ) na mapasamang mabitay ang mga menor-de-edad na nasa death row.

Ito ang inihayag kahapon ni Justice Undersecretary Merceditas Gutierrez matapos na mapabalitang kinokondena ng Amnesty International Program ang kagawaran dahil sa hindi nito pag-iinspeksyon kung may mga menor-de-edad na kabilang sa hanay ng mga bibitayin sa pamamagitan ng lethal injection.

Batay sa rekord ng DOJ, sinabi ni Gutierrez na sa ngayon may 27 kabataan ang nahatulang mabitay sa New Bilibid Prison (NBP) subalit 20 dito ay naipababa na nila sa habambuhay na pagkabilanggo o reclusion perpetua habang ang pitong natitira ay patuloy na sinisiyasat at nire-review ang kanilang mga rekords.

Niliwanag ni Gutierrez na pinakikilos na nila ang Public Attorney’s Office (PAO) upang siyasatin ang mga records ng mga ito sa Office of the Court Administrator upang mapatunayan na menor-de-edad ang mga ito. Hanggang sa ngayon ay hindi makapagpakita ng kani-kanilang birth certificate ang natitirang pitong menor-de-edad na nakahanay sa death chamber.

Aniya, dito makikita kung talagang mga kabataan ang mga ito dahil posibleng idinadahilan lamang na sila ay menor-de-edad upang makaligtas sa parusang bitay. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments