Kinilala ang mga nasawi na sina NIA 12 Regional Office Director Macmud Mending, Engineer Omar Mamala, Irrigation Officer sa Maguindanao, Imam Ismael Kadul at isa pang di nakilalang sibilyan.
Kasalukuyan namang beneberipika ang mga pangalan ng may mahigit pang 20 kataong nasugatan na mabilis na isinugod sa pagamutan.
Sa isang phone interview, sinabi ni Major Julieto Ando, Spokesman ng Armys 6th Infantry Division (ID) na nakabase sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, ang pagpapasabog ay naganap dakong alas- 12:15 ng tanghali sa isang maliit na mosque sa loob ng NIA Regional Office compound sa Brgy. Villarica, Midsayap ng nabanggit na lalawigan.
Ayon kay Ando, kasalukuyang nagsasagawa ng worship service ang mga biktima nang biglang hagisan ng granada ng di pa nakilalang mga suspek. Dalawang pin ng sumabog na granada ang narekober ng mga awtoridad sa lugar.
Naghihinala naman ang militar na si Mending ang tunay na target ng pagpapasabog matapos itong makatanggap ng sunud-sunod na death threats nitong mga nagdaang araw.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Ando ay wala pang natutukoy na grupo sa pagpapasabog at patuloy ang imbestigasyon sa kaso para mapanagot ang mga salarin. (Ulat ni Joy Cantos)