Base sa sinumpaang salaysay na isinumite kahapon ng testigong itinago sa pangalang John sa Inspection Monitoring and Investigation Service-National Police Commission (IMIS-NAPOLCOM) na nilagdaan ni Atty. Jacinto Cabus, assistant service chief ng naturang division, pinangalanan ang mga opisyal na sina C/Supt. Jesus Versoza ng Intelligence Group, Camp Crame; C/Supt. Napoleon Castro, director ng Central Police District Office (SPDO); Supt. Amoyin ng Police Regional Office (PRO) 1; Supt. Abner Ontog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA); Chief Inspectors Candelario, PRO 1; Renato Badua; Melchor Ong at Danilo Dingayan, Sudipen police station; Jose Mase; Philip Ines, Baguio City police at police officer Agbayani ng PDEA.
Nakasaad sa sinumpaang salaysay ni John na ang nabanggit na mga opisyal at miyembro ng PNP ay hindi lamang umano sangkot sa ipinagbabawal na gamot kundi dawit din sa gunrunning, illegal gambling at prostitution.
Ang naturang testigo ay dati umanong miyembro ng isang drug syndicate at dating bodyguard ni Candon city ex-Mayor Raymond Balbin kaya alam niya ang umanoy pakikipag-transaksiyon ng nabanggit na mga opisyal sa nabanggit na iligal na gawain.
Nakadetalye din sa kanyang salaysay kung paano ang nagiging transaksiyon ng naturang mga pulis sa nabanggit na drug syndicate.
Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang Napolcom hinggil sa naturang akusasyon. (Ulat ni Lordeth Bonilla)