Isang impormante sa GMA-7 ang nagsabing nag-umpisa ang hindi pagkakaunawaan ng TV network at ni Cheche Lazaro, producer ng Probe Team, dahil sa episode ni Bernadette Sembrano na tumatalakay sa "lifestyle check" kay Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Efraim Genuino.
Nabatid sa impormante na personal na kinausap ni GMA-7 vice president Marissa Flores at GMA-7 project unit manager Ricky Escudero si Cheche Lazaro sa tahanan nito sa Forbes Park sa Makati para alamin kung kailan ang huling airing date ng Probe Team, ang senyales umano na hindi na sila puwedeng magsama pa sa trabaho "on matters of principle."
Hiniling ng GMA-7 management na i-postpone ang airing ng nasabing episode sa dahilang hindi sapat ang mga dokumentong nakalap ng Probe Team.
Nais ng GMA Legal department na maghanap pa ang Probe Team ng mga karagdagang dokumento kung mayroon upang patunayan na si Genuino ay may-ari ng shares of stock sa ilang korporasyon na sang-ayon sa iniulat ng Probe Team ay hindi inilahad ni Genuino sa kanyang statement of assets and liabilities (SAL) noong February 2001, December 2001 at December 2002. Sang-ayon pa sa impormante, nais ng network na tratuhin ng patas si Genuino ng Probe Team at igalang ang karapatang pantao nito.
Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang GMA 7 at ang Probe Team nang dalhin ni Lazaro at Sembrano sa Mass Communication department ng University of the Philippines ang tape ng nasabing episode upang ipakita sa mga militanteng estudyante doon at hilingin ang opinion ng mga ito, isang hakbang na tahasang paglabag sa karapatang pantao ni Genuino.
Lumabas sa pagkakataong ito ang issue ng censorship na umanoy ibinibintang ng Probe Team sa management ng GMA-7.
Ani Atty. Felipe Gozun na presidente ng naturang network: "Nasa amin ang kapangyarihang makasira sa reputasyon ng isang tao... Bago ka manira ng reputasyon, dapat mayroon kang basehan. Mas nanaisin naming magkamali in good faith. Dapat subukan naming gawin ang lahat upang (ang report) ay makatarungan," dagdag ni Gozun.
Ipinalabas ang naturang episode noong Setyembre 23 sa Channel 7 at base sa opinyon ng maraming nakapanood, ang "lifestyle check" na ginawa nina Sembrano at Lazaro ay walang basehan, walang matatag na ebidensiya at hindi papasa sa masusing proseso ng Presidential Anti-Graft Commission at ng Ombudsman, ang mga ahensiya ng gobyerno na siyang tanging may karapatang gumawa ng lifestyle check.
Malinaw umanong isa lamang demolition job o malisyosong paninira ang naturang episode laban kay Genuino at labag sa kanyang karapatang pantao pati na ang karapatan ng kanyang pamilya na mamuhay ng tahimik.
Kaugnay nito, may usap-usapan na si Sembrano umano ay nagpiprisinta sa ABC Channel 5 matapos kumalat ang balitang siyay sinuspinde ng GMA-7.