Sa panayam kay Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman, isa sa bawat 20 lalaki sa bansa ang biktima ng pagmumura at masasakit na pananalita ng kanilang mga misis.
Ayon kay Soliman, ang "verbal abuse" tulad ng pambubugbog ay nasa ilalim din ng kategoryang "domestic violence."
Ang mga salita anyang "wala kang kuwentang tao," "inutil," "walang trabaho at palamunin," "bakit hindi ka na lumayas" ay ilan lamang sa pumapatak sa kategoryang verbal abuse.
Bagaman anya may naitala silang mga kalalakihang biktima ng verbal abuse, ang bilang naman nila ay mas mababa kung ihahambing sa kababaihang biktima ng karahasan ng kanilang esposo.
Karaniwan ang ganitong pagbubunganga ng kanilang asawa ay itinatago na lang ng mga lalaki at hindi inirereport sa kinauukulang ahensiya sa pangambang maapektuhan ang pinangangalagaan nilang "macho image" o kayay matawag silang "under de saya."
Pero mayroon anyang mga lalaki na nagrereklamo din kung madalas naman ang pagmumura at pagmamaliit sa kanila ng maybahay o kayay ng kanilang nobya.
Ang isyu ng pambubugbog at "verbal abuse" ay natalakay kaugnay ng kontrobersiyal na away nina Kris Aquino at Parañaque Mayor Joey Marquez. (Ulat ni Lilia Tolentino)