Sa 13-pahinang resolution, sinabi ng DOJ na walang matibay na basehan o merito si Perez para maipursige ang kasong libelo laban kay Rep. Villarama.
Nag-ugat ang nasabing kaso matapos na ibunyag ni Villarama na si Perez ang siyang dapat na tawaging "Million Dollar Man" dahil itoy sangkot umano sa $41M pay-off na may koneksiyon sa $470M power deal sa Industrias Metalurgicas Pescarmona SA o mas kilala bilang IMPSA deal.
Lumabas sa ibat ibang pahayagan ang nasabing statement ni Villarama laban kay Perez kung kaya nagsampa ng kasong libelo ang huli dahil pawang paninira umano sa kanyang pagkatao ang mga sinabi ng kongresista.
Sumulat naman si Villarama kay Presidential Anti-Graft Commission Chairman Dario Rama na magsagawa ito ng imbestigasyon laban kay Perez dahil sa pagtanggap nito ng bribery mula sa nasabing kontrata.
Bunga nito, nagpalabas ng rekomendasyon ang Manila Prosecutors Office na maaaring isulong ang nasabing kaso sa mababang hukuman, ngunit ito naman ay agad ipinareview ni Villarama sa DOJ.
Sa resolution ng DOJ, ang ginawang privilege speech ni Villarama ay nasasakop pa rin ng karapatan at responsibilidad nito bilang kongresista ng ibunyag nito ang alegasyon laban kay Perez.
Ikinatuwiran pa ng DOJ na sinagot lamang ni Villarama ang panghahamon ni Perez na pangalanan nito ang mga cabinet members na nalalaman nitong tumatanggap ng suhol mula sa ibat ibang kaso o kontrata.
Dahil dito, inatasan ng DOJ ang Manila Prosecutors Office na bawiin nito sa Manila Regional Trial Court ang kasong libelo na isinampa laban kay Villarama dahil sa kawalan ng merito. (Ulat ni Grace dela Cruz)