Sinabi ng korte sa 29-pahinang desisyon na nabigo ang whistle-blower na si dating Ilocos Norte Gov. Luis "Chavit" Singson na tukuyin si Serapio bilang kolektor ni Estrada ng pera mula sa jueteng.
Nakasaad din sa desisyon na nabigo ang prosekusyon na patunayan ang naging partisipasyon ni Serapio sa sinasabing jueteng payola.
"Governor Singson, the self-confessed chief jueteng collector for accused Estrada who oversaw the entire operation, never identified movant (Serapio) as collector of jueteng protection money. Neither did the rest of the prosecution witnesses," anang desisyon.
Matatandaan na sinabi ni Singson sa kanyang testimonya sa Special Division na si Serapio ang tumanggap ng P200 milyong koleksiyon mula sa jueteng noong taong 2000.
Tumayo ring corporate secretary ni Estrada si Serapio sa Erap Muslim Youth Foundation.
Nauna kay Serapio, pinagbigyan din ng korte na makapaglagak ng P500,000 piyansa si dating San Juan Mayor Jinggoy Estrada na akusado rin sa P4.1 bilyon plunder case.
Ang kasong plunder ay may kaparusahang kamatayan at pinapayagan lamang na magpiyansa ang isang akusado kung hindi malakas ang ebidensiya laban sa kanya.
Maliban sa plunder, kabilang sa mga kasong kinakaharap ni Estrada ang perjury at illegal use of alias. Si Estrada ay nanatiling nakakulong sa Veterans.
Hindi pa hinihiling ng dating pangulo sa korte na payagan siyang makapaghain ng piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya. (Ulat ni Malou Rongalerios)