Ayon kay Lacson, ang mga ginawang pahayag ni Mateo sa panayam nina Anna Marie Fuderanan ng ABS-CBN at Sandra Aguinaldo ng GMA-7 ay pawang mga kasinungalingan laban sa kanya dahil gusto umano nitong masira siya sa publiko habang siya pa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) .
Sa katunayan umano, isa din si Ambet Antonio na kumumbinsi sa kanya upang magtahi-tahi ng kuwento na makasasama sa dating hepe ng PNP kapalit ng kanyang kalayaan at tulong pinansiyal.
Nakilala ni Mateo si Antonio sa New Bilibid Prison makaraang mahatulan ng kasong pagpatay sa basketball star na si Arnie Tuadles.
Sinabi ng Senador na nakasaad din sa testimonya ni Mateo na "kapit na ito sa patalim" sa pagsasabi ng mga kasinungalingan laban sa kanya dahil nais nitong makapiling ang kanyang pamilya bago siya namatay sa sakit na kanser.
Nabatid na si Antonio ang gumawa ng paraan upang ma-interview ni Fuderanan si Mateo kapalit ng kanyang kalayaan subalit hindi pa rin siya nakalaya kung kayat nagkaroon na siya ng pagdududa na ginamit lamang siya ng mga ito upang ibagsak si Lacson.
Nang tanungin naman ni Aguinaldo kung ano ang kasiguraduhan na nagsasabi ito ng totoo, sinabi nito na " malapit ng dumating ang aking oras, gusto kong ituwid ang lahat ng aking pagkakamali at humihingi ako ng kapatawaran kay Gen. Lacson."
Idinagdag pa ni Mateo sa panayam ni Aguinaldo na maluwag na siyang makakahinga dahil naitama na niya ang kanyang mga pagkakamali at malinis na ang kanyang konsensiya.
Si Mateo ay binawian ng buhay noong Disyembre 2000 dalawang buwan matapos ang panayam ng GMA-7. (Ulat ni Rudy Andal)