Sa isang press statement na ipinadala sa PNP, kinondena ni Ramon "Mon" Tulfo ang umanoy pananakot na ginagawa ng kampo ni Lacson sa kanya at sa iba pang tao upang mapatigil lamang ang kanyang programang pinamagatang "Sumbong ni Mon Tulfo sa taumbayan ukol kay Ping Lacson."
Sa naturang programang ipinalabas sa RPN 9, isinadula ang umanoy utos ni Lacson kay Sgt. Jose Viernes na itulak sa helicopter ang dalawang katao kabilang na ang 8-anyos na bata, habang ito ay nasa himpapawid.
Ang mga biktima sa nasabing pagsasadula ay mga kapatid at pamangkin ng pinaslang na si Joey de Leon, lider ng kilabot na Red Scorpion Group.
"Kasuhan mo na lang ako sa korte, hindi ako susuko sa isyu at lalong hindi ako nagpapabayad," pahayag pa ng host ng programang "Isumbong Mo Kay Tulfo" sa RPN 9 kaugnay ng umanoy pakana ni Lacson na ipatigil ang pagpapalabas sa kanyang programa.
Tahasang inakusahan ni Tulfo ang kampo ni Lacson na ginawa umano ang lahat ng paraan, legal at illegal upang hindi matuloy ang pagsasahimpapawid ng kanyang programa sa Channel 9, bagaman nabigo ang mga ito.
Kabilang umano sa mga hakbang na ginawa ng kampo ni Lacson ay ang pagliham kay RPN 9 Chairman at Chief Executive Officer Serge Remonde upang hilingin sa huli na huwag ituloy ang pagpapalabas sa kanyang programa.
"Saludo ako kay Chairman Remonde, hindi siya bumigay sa anumang pagtatangka ni Lacson na patayin ang istorya," paghanga pa ni Tulfo sa big boss ng RPN 9.
Kaugnay nito, hiniling ng RPN 9 sa PNP na maglagay ng mga tauhan sa kanilang tore upang bantayan ang anumang pagtatangkang pagpapasabog. (Ulat ni Joy Cantos)