Sabi ni Sen. Oreta, ito ang mas mainam na magiging hakbang ni Pangulong Arroyo kung talagang nais nitong mapabuti ang kalagayan ng bansa kaysa hintayin pa ang May 2004 elections lalo ngayong bagsak na ang pagtitiwala ng taumbayan at mga negosyante sa kasalukuyang pamahalaan.
Aniya, ganito din ang ginawa ni yumaong Pangulong Marcos noong 1986 na ikinagulat ng kanyang mga alipores dahil sa matinding panawagan ng taumbayan na magkaroon ng maagang halalan kung saan ay lumahok ang kanyang hipag na si dating Pangulong Cory Aquino.
Wika pa ni Oreta, mapapatunayan ng taumbayan na talagang walang halong pamumulitika ang ginagawa ng Pangulo na pananatili sa Malacañang kung panghahawakan pa rin nito ang kanyang December 30 promise na hindi na ito lalahok sa eleksiyon.
Idinagdag pa ng lady solon na imumungkahi niya ito sa sandaling magpulong ang United Opposition para hilingin kay Pangulong Arroyo na magpatawag na lamang ito ng snap election para na rin sa ikabubuti ng usaping pampulitika at pang-ekonomiya ng bansa. (Ulat ni Rudy Andal)