Kasama ni Honasan na nagtungo sa DoJ sina Senators Aquilino Pimentel at Tito Sotto ganap na alas-2:30 ng hapon upang matiyak din ang kaligtasan nito.
Matapos magsumite ng kanyang mosyon ay nagtungo ito sa Senado kung saan sa kanyang privilege speech, lubos siyang nagpapasalamat sa lahat ng sektor na nakaintindi sa kanyang kalagayan matapos siyang akusahan na mayroong kinalaman sa ginawang pag-aaklas ng mga young officers ng AFP noong Hulyo 27.
Wika pa nito, wala siyang balak na muling magbalik sa "underground" basta igagalang ng nasa gobyerno ang tunay na hustisya para maipagtanggol niya ang kanyang sarili.
Nagsumite din si Honasan ng kanyang motion to clarify jurisdiction upang matiyak na dinidinig ang kanyang kasong coup de etat sa tamang korte.
Nakasaad sa motion ni Honasan na ang tanggapan ng Ombudsman ang siyang dapat at may karapatan na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa nasabing kaso.
Itinanggi din nito ang kanyang motion na ginagawa ng kanilang kampo ang lahat ng paraan upang ma-delay ang pagdinig sa kasong kudeta na kinakaharap ng nasabing senador.
Bunga ng nasabing motion, binigyan ng hanggang September 1 ng panel of prosecution sa pamumuno ni State Prosecutor Leo Dacera si Criminal Investigation and Detection Group of chief General Eduardo Matillano upang magsumite ng kanyang opposition hinggil sa nasabing motion.
Tiniyak naman ni Dacera na magpapalabas agad ng resolution ang panel hinggil sa motion ng kampo ni Honasan.
Kasama ni Honasan na kinasuhan sina Col. Virgilio Briones; Romeo Lazo; Ernesto Makahiya; George Duldulao at Capt. Turingan. (Ulat nina Rudy Andal at Grace dela Cruz)