Sinabi ni Capt. Gambala sa ginawang pagtatanong ni Sen. Rodolfo Biazon sa senate committee of the whole na totoong nagkaroon sila ng blood compact kung saan ay naghiwa sila sa kanilang ibabang bahagi ng kaliwang braso bilang bahagi ng ritwal ng blood compact.
Bukod sa kanilang mga mistah sa Class 95 ay may ilan din siyang enlisted personnel na nahimok na magsagawa ng blood compact kung saan ay kalimitang ginagawa sa kanyang quarters o tirahan,
Tumanggi naman si Gambala na ipakita sa mga mambabatas ang kanyang sugat sa braso.
Aniya, noong una ay sila lamang ni Maestrecampo ang gumawa ng blood compact bilang tanda ng kanilang paniniwala sa "God, Country and People" pero may sumunod pa ring mga blood compact sa may 5 hanggang 6 nilang mga kaklase sa PMA.
Itinanggi naman ni Ltsg. Antonio Trillanes na naging bahagi siya ng blood compact na ginawa ng kanyang mistah na sina Maestrecampo at Gambala.
Pinabulaanan din ni Gambala at Maestrecampo na nakasama nila sa blood compact si Sen. Gregorio Honasan tulad ng mga naunang akusasyon ng gobyerno. (Ulat ni Rudy Andal)