Sinabi kahapon ni Sanlakas Rep. Jose Virgilio Bautista at anim na iba pang Partylist Representative na maghahain sila ng petisyon sa SC upang ipahinto ang pagpapasailalim sa bansa sa State of Rebellion.
Naniniwala ang mga Partylist solons na gawa-gawa na lamang ng administrasyong Arroyo at mga opisyal nito ang pagpapatuloy ng bantang kudeta upang patagalin pa ang deklarasyon ng State of Rebellion.
Nakasaad aniya sa Revised Penal Code na hindi kudeta ang ginawa ng mga batang opisyal ng militar sa Oakwood Premiere sa Makati City noong Hulyo 27 kundi isang kilos-protesta at pulong balitaan para ilabas ang kanilang hinaing laban sa pamahalaang Arroyo at sa pamunuan ng pulisya at militar.
Mabigat aniya at lubhang seryoso ang paratang ng mga batang opisyal na miyembro ng Magdalo group laban kina Pangulong Arroyo, Defense Secretary Angelo Reyes, Philippine National Police chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane at sa nagbitiw na si Intelligence Service of Armed Forces of the Phils. chief Col. Victor Corpus kaya dapat lamang na malaman ng publiko kung may katotohanan ito.
Kabilang sa mga akusasyon na ibinabato ng Magdalo group ay ang pagkakasangkot ng ilang opisyal sa pagbebenta ng armas, pambobomba sa airport at Sasa Wharf sa Davao City at planong pagdedeklara ng martial law ngayong Agosto.
Pero sa halip aniya na pakinggan ang hinaing ay ikinulong pa ang mga ito sa ISAFP headquarters sa Camp Aguinaldo.
Kabilang sa inaasahang maghahain ng petisyon ay sina Reps. Renato Magtubo (Partido ng Manggagawa), Rene Velarde (Buhay), Emerito Calderon (Cocofed), Mujiv Hataman (AMIN), Dioscoro Granada (ABA) at Patricia Sarenas (Abanse Pinay). (Ulat ni Malou Escudero)