Hinuli si Ramon "Eki" Cardenas, 65, sa kanyang bahay sa #2177 Paraiso, Dasmariñas Village, Makati City sa bisa ng search warrant matapos makatanggap ng impormasyon ang NBI na ipinagamit nito ang kanyang bahay upang pansamantalang pagkutaan ng Magdalo group.
Sa naturang pagsalakay, nakumpiska ng mga awtoridad ang isang M-14 assault rifle, tatlong M-16 rifles, ibat ibang uri ng bala at mga kalibre ng baril, watawat na ginamit ng mga rebeldeng sundalo at Magdalo armbands, backpacks at medical supplies.
Dahil sa mga ebidensiyang nakumpiska, tuluyang inaresto ng raiding team si Cardenas.
Isinailalim na ngayon sa masusing tactical interrogation ng NBI at CIDG at inquest proceedings sa DOJ si Cardenas. Kasong paglabag sa Revised Penal Code Article 134-A o coup detat ang isinampa laban dito dahil sa ginawa nitong pagtulong sa mga coup plotters.
Unang nanungkulan si Cardenas bilang deputy director general ng National Economic Development Authority (NEDA) at naglingkod kay Executive Secretary Alejandro Melchor noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Isa siya sa pinagtitiwalaang tauhan ni Estrada at naging senior deputy executive secretary at hepe ng Presidential Management Staff ng naturang administrasyon. (Ulat nina Danilo Garcia at Grace dela Cruz)