Nabatid na kamakalawa pa sinimulang pulungin ni Commodore Tirso Danga, chief ng AFP headquarters Service Command sa Camp Aguinaldo, ang kanyang mga tauhan na huwag sasali sa anumang planong maglunsad ng kudeta laban sa administrasyon.
Kapansin-pansin ang halos tripleng bilang ng mga sundalo na naka-full battle gear sa lahat ng gate ng Camp Aguinaldo na nagsasagawa ng checkpoint habang ilang tangke ang pinawarm-up at naka-standby sa grandstand.
Ayon naman kay PNP Directorate for Police Community Relations, P/Director Ricardo de Leon, wala umanong kaugnayan ang hakbang sa napapabalitang coup plot at pagkakatakas ng tatlong mapanganib na teroristang sina Fathur al-Ghozi, Omar Lasal at Abdulmkin Edris.
Bahagi lamang anya ito ng "precautionary measures" upang matiyak na magiging maayos ang nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo sa darating na Hulyo 28.
Magugunita na sumingaw ang kudeta laban sa pamahalaang Arroyo makaraang mabulgar ang sikretong pagpupulong ng mga junior officers na umanoy dismayado sa mababang pasuweldo, kakulangan ng mga benepisyo, kakapusan sa pabahay at sa lumalalang korupsiyon sa organisasyon. (Ulat ni Joy Cantos)