Ayon kay PNP-Anti Narcotics Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOFT) P/Deputy Director Gen. Edgar Aglipay, nahaharap ngayon sa pagkakasibak sa serbisyo ang 12 pulis na nakumpirmang lulong sa paggamit ng bawal na gamot.
Kinilala ang mga ito na sina P/Chief Insp. Roberto Gabor ng Aviation Security Group; SPO1 Rolando Cabangunany ng NCRPO; tatlong miyembro ng Special Action Force na sina PO3 Manuel Javier; PO3 June Fabros at PO2 Enrique delos Santos; PO3 Joselito Salanera ng Headquarters Support Group, NCRPO; PO2 Marvin Salazar, Logistics Support Service; PO2 Cornelio dela Ysla Jr., District Support Unit, NCRPO; PO1 Pedro Avelino Jr., Eastern Police District police station 7; PO1 Joseph Apuan, Traffic Management Group at PO1 Jose dela Cruz ng Nueva Ecija PNP.
Nitong nakalipas na Hunyo 9 nagsagawa ng sorpresang random drug test ang PNP at lumitaw sa "screen test" na positibo ang nabanggit na mga pulis sa paggamit ng illegal na droga.
Nang isalang sa confirmatory testing ng PNP-Crime Laboratory ang urine samples ng naturang mga pulis ay kumpirmadong gumagamit ang mga ito ng bawal na gamot.
Matapos ang confirmatory testing nitong Hunyo 20-23 ay napatunayang may presensiya ng tetrahydrocannabinol (THC) at methylamphetamine metabolites ang urine specimen ng naturang mga pulis na isang malinaw na indikasyon na gumagamit ang mga ito ng alinman sa shabu o marijuana. (Ulat ni Joy Cantos)