Forced evacuation tuwing may bagyo inutos ni PGMA

Inatasan ni Pangulong Arroyo ang mga lokal na pamahalaan na gumamit na ng police power upang ipatupad ang puwersahang paglilikas sa mga residente na malapit sa ilog.

Ayon sa Pangulo, maiiwasan na magkaroon ng mga biktima ng kalamidad kung ipatutupad ang nasabing hakbang.

Ang kautusan ng Pangulo ay matapos na dumalaw ito sa Calbayog at Catbalogan, Samar kung saan ay marami ang naging biktima ng bagyo.

Inatasan ng Pangulo ang Department of Budget and Management na agad ibigay sa lokal na pamahalaan ng Samar ang kanilang 5 porsiyentong Internal Revenue Allotment (IRA) upang magamit ito sa pagtulong sa mga residenteng sinalanta ng kalamidad.

Nagbigay rin ang Pangulo ng P50,000 bilang tulong sa pamilya ni Renato Dacoma ng Barangay Canlapwas, Catbalogan na namatayan ng asawa na apat na buwang buntis kasama ang 9-anyos na anak at pinsan dahil sa pag-apaw ng Antiao River dulot ng malakas na pag-ulan.

Ikinalungkot ng Pangulo ang nasabing pangyayari dahil marami rin ang nabiktima na kung tutuusin ay hindi naman matindi ang hagupit ng bagyong Egay. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments