Bagaman wala namang opisyal na pahayag dito ang Malacañang kaugnay sa sinasabing balak na pagtakbo ni GMA upang maging susunod na UN secretary-general, malakas ang ugong sa Palasyo ukol dito.
Kung saka-sakali ay pangalawang Filipino ang mailuluklok bilang UN sec-gen kapag nakuha ni Pangulong Arroyo ang nasabing posisyon kung saan ang naunang nakakuha nito ay si yumaong UN sec-gen at matagal naging foreign affairs secretary ng ilang naging presidente na si Carlos P. Romulo.
Inaasahan namang susuportahan ng Asian bloc ang pagtakbo ni GMA bilang kapalit ni Kofi Anan ng Gambia na kasalukuyang UN secretary general sa nasabing prestigious position.
Maging si US Pres. George Bush ay posibleng suportahan ang nominasyon ni Pangulong Arroyo bilang UN sec-gen dahil sa pagsuporta naman ng Pilipinas bilang miyembro ng "coalition of the willing" sa paglaban sa terorismo partikular ang pag-atake ng US sa Iraq.
Kapag hindi na tumakbo si GMA sa darating na 2004 elections ay malamang na si businessman Eduardo "Danding" Cojuangco Jr. na ang magiging standard bearer ng ruling party na Lakas-CMD sa 2004 presidential polls kung saan ay magkakaroon ng koalisyon sa Nationalist Peoples Coalition (NPC) ni Danding.
Ayon naman kay Sen. Robert Barbers, dumarami na ang mga Lakas members na sumusuporta kay Cojuangco upang maging second choice sakaling hindi na tumakbo si GMA sa darating na eleksiyon.
Sinabi ni Sen. Barbers, kapag nagwaging presidente si Cojuangco ay magagamit nito ang kanyang expertise sa larangan ng pagnenegosyo dahil subok na itong magaling na ekonomista at negosyante na iginagalang hindi lamang sa business sector kundi maging sa larangan ng pulitika kung saan siya ay itinuturing na kaalyado ng mga nasa administrasyon at nasa oposisyon.
Ipinaliwanag naman ni Senate Majority Leader Loren Legarda na si Danding ang nakikita din niyang uniting candidate na suportado ng mga nasa Lakas at suportado din ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) na pinamumunuan ni Sen. Edgardo Angara. (Ulat ni Rudy Andal)