Ayon sa Department of Health, ikaapat ang TB sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino at ikaanim sa mga pangunahing sanhi ng sakit sa bansa. Ikapito rin ang Pilipinas sa buong mundo sa dami ng populasyong may TB at ikalawa naman sa Western Pacific region ng WHO.
Noong l996, ipinatupad ng DOH ang Directly Observed Treatment Short Course chemotherapy o DOTS para sa mga positibong may TB sa ilalim ng National Tuberculosis Program ng pamahalaan. Sa DOTS, kailangan ang partisipasyon ng isang traetment partner" upang i-monitor ang araw-araw na pag-inom ng gamot ng pasyente at kung ano ang epekto ng gamot sa katawan nito.
Ayon sa Reach Out Foundation International, sa kasalukuyan ang DOTS ay makikita sa mga health centers sa 66 na probinsya at sa ilang pribadong kilinika. Mayroon ding 3,000 TB diagnostic facilities sa buong bansa.
Naging matagumpay ang paggamot sa TB dahil sa DOTS ngunit nananatiling mataas ang bilang ng may TB sa bansa. Bukod sa 75 na namamatay sa TB araw-araw, tinatayang 200 ang positibong may TB sa bawat 100,000 Pilipino.
Mayroon ding 250, 000 bagong kaso ng TB ang naiuulat bawat taon, at dalawang-katlo ng mga may sakit nito ang hindi nagpapakonsulta sa doktor. (Ulat ni Ellen Fernando)