Nakapaloob sa Magna Carta for Household Helpers na dapat na magkaroon ng minimum na suweldo na P1,500 kada isang buwan ang isang katulong; P1,200 para sa mga naninirahan sa mga chartered cities at first class municipalities at P1,000 isang buwan para sa ibang munisipalidad.
Nakasaad din sa Magna Carta na dapat maging miyembro ng Social Security System (SSS) ang mga kasambahay bilang pagtupad sa Republic Act No. 1161.
Dapat ding bigyan ng 13th month pay na katumbas sa isang buwang sahod ang mga household help na ibibigay sa kanila bago mag-Disyembre 24 ng bawat taon.
Bilang karagdagang benepisyo, ang mga kasambahay ay dapat ding ipatala bilang miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang aatasan na magdetermina kung magkano ang dapat na itaas sa suweldo ng mga kasambahay.
Nakasaad din sa Magna Carta na dapat magkaroon ng notarized employment contract ang isang kasambahay at ang employer na isusulat sa dialect o salitang naiintindihan ng dalawang partido.
Ang kontrata ay hindi dapat lumampas ng dalawang taon na maaari namang i-renew kada taon kapag natapos na ang kontrata. Dapat nakasulat sa kontrata ang pagbibigay ng leave, rest days at holidays, working hours, rest periods at day off. (Ulat ni Malou Escudero)