Sa 21-pahinang desisyon ni QCRTC Judge Jose Catral Mendoza ng branch 219, hinatulan ng death penalty sina MILF commander Tahir Alonto, Rasul Engad, Mutalib Ismael, Arnel Abdullah Blaim, Mondot Masalon, Mario Masalon, Kamad Udasan, Jun Emba, Mario Adoy at Alex Pandita. Ang mga ito ay sinasabi ding miyembro ng kilabot na Pentagon kidnap-for-ransom group.
Bukod sa parusang kamatayan, pinatawan din ng korte si Alonto na makulong ng anim na taon para sa kasong robbery.
Sina Alonto, Ismael, Balim at Mondot Masalon ay binasahan ng hatol "in absentia" makaraang tumakas noong Nobyemre 8, 2000 sa city jail ng Barangay Apopong, General Santos City.
Ipinaliwanag ni Mendoza na itinuloy ang promulgation laban kay Alonto bagamat sinasabing ito ay namatay sa encounter ng militar laban sa MILF. Walang anumang death certificate na magpapatunay na namatay nga si Alonto.
Lumilitaw sa rekord ng korte na dinukot ng grupo ni Alonto si Dr. Vicente Cavalida Jr., kapatid nitong si Engineer Eduardo Cavalida, Cheryl Pagales, Rosita Suarez at Richard Cereles Sr. habang ang mga ito ay patungo sa mango plantation sa General Santos City noong Hulyo 31, 1999.
Mabilis namang nailigtas ng militar ang magkapatid na Cavalida at si Pagales matapos ang 17 araw na pagkakabihag, samantala sina Suarez at Cereles ay namatay noong araw na sila ay dukutin.
Nabatid na humihingi si Alonto ng P15 milyon para sa pagpapalaya kay Dr. Cavalida. Kinuha din ng mga akusado ang mga alahas, cellular phones, ATM card at pera na P46,000 ng mga biktima.
Igniit ni Mendoza na "credible" at kapani-paniwala ang testimonya nina Dr. Cavalida at Pagales dahil tuluy-tuloy ang kanilang pahayag mula nang sila ay dukutin hanggang sila ay mailigtas ng puwersa ng gobyerno.
Pinagbabayad din ng korte ang mga akusado ng P1miyon bilang moral damages sa bawat biktima. (Ulat nina Doris Franche.Angie dela Cruz at Grace dela Cruz)