MILF durugin pa - GMA

Sinungaling ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at taktika lamang ang idineklarang ceasefire!

Ito ang galit na pahayag ni Pangulong Arroyo kasunod ng pananalakay na ginawa nila sa dalawang army detachment sa Carmen, North Cotabato kamakalawa na ikinasawi ng limang sibilyan.

Inutos kahapon ng Pangulo na pag-ibayuhin pa ang pag-atake ng militar sa grupo bilang punitive action.

Ayon sa Pangulo, maliwanag na "double talk" ang alok na 10 araw na ceasefire ng MILF at isa lamang taktika.

"Unless proof of sincerity is shown, punitive actions will continue until we are assured that our far-flung communities are safe from harassment. We welcome peace under conditions of sincerity and justice. We will not accept peace with deception and we will not move our ground amidst a constant threat to the people," pahayag ng Pangulo sa open forum sa Dusit Hotel sa Makati City.

Inatasan din ang AFP na tugisin at arestuin ang may kagagawan sa pinakahuling pananalakay ng MILF tulad ng pagtugis sa mga may kagagawan sa serye ng pambobomba sa Lanao at Zamboanga del Sur.

Ang direktibang ito ay hayagang pagtanggi sa kahilingan ng MILF na paatrasin ang mga sundalo sa Buliok complex sa Pikit, North Cotabato at pag-uurong sa pag-aresto sa limang mataas na lider ng MILF na sina Chairman Hashim Salamat, Al Haj Murad Ibrahim, Ghadzali Jaafar at Aleem Asiz Mimbantas. (ULat ni Lilia Tolentino)

Show comments