NDCC nagpalabas ng P2-M sa reconstruction ng 7 eskuwelahan sa Munai

Naglaan ang National Disaster Coordinating Council ng P2 milyon para sa rekonstruksiyon at rehabilitasyon ng Munai, Lanao del Norte.

Ito ang ipinahayag ni Defense Secretary at NDCC Chairman Angelo Reyes ng magtungo sa National Steel Corp. compound sa Iligan city para saksihan ang pagbabalik-loob sa pamahalaan ng 97 Moro Islamic Liberation Front (MILF) kabilang ang anim na lider ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF).

Sinabi ni Reyes na ang inisyal na halaga ay gagamitin para sa pagsasaayos ng pitong eskuwelahan na sinunog ng mga rebeldeng MILF sa Munai.

Tiniyak ni Reyes na daragdagan pa ang budget para sa pagtatayong muli ng mga nasunog na schools sa sandaling kapusin ito.

Ang 52nd Engineering Brigade ang naatasang magsagawa ng repair sa ilalim ng superbisyon ng mayor ng Munai.

Labis na naapektuhan ang Munai sa isinagawang "selective aerial and artillery attacks" ng tropang pamahalaan laban sa "embedded terrorist cells" sa Mindanao bilang bahagi ng punitive offensive laban sa MILF matapos na magtago rito ang mga rebeldeng Muslim.

Samantala, tiniyak ng defense chief na magpapatuloy ang military offensive laban sa mga rebeldeng Muslim "until such time that we are convinced that they (MILF) finally get the message that they have to stop their terroristic activities." (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments