Sa ikalawang araw na bakbakan ng militar at rebeldeng grupo, umaabot na sa 100 MILF rebels ang napapaslang. Ito ay matapos iutos ni Pangulong Arroyo na durugin sa pamamagitan ng "extraordinary punitive actions" ang grupo ng MILF na itinurong nasa likod ng pambobomba at pamamaslang sa mga inosenteng sibilyan sa Mindanao.
May 3,243 pamilya o 18,891 katao ang nagsialis sa mga bayan ng Kauswagan, Kolambugan, Maigo, Bacolod, Tangcal, Munai, Pantao Ragat, Tangcal at Poona Piagapo, pawang sa Lanao del Norte.
Sinabi ni AFP-Southcom Chief Major Gen. Roy Kyamko, dalawang OV-10 Broncho planes ng Air Force ang nagsasagawa ng mga pambobomba sa Barangay Cadayunan sa bayan ng Poona Piagapo at sa mga Barangay Liningding at Pendulonan sa bayan ng Munai, Lanao del Norte.
Kontrolado na ng militar ang bayan ng Munai matapos ma-capture ang 5th Division ng Bangsamoro Islamic Armed Forces, armed wing ng MILF, na pinamumunuan ni Commander Yahyah Lucsadato. Naagaw rin ang bahay ni Lucsadato, pero pinaniniwalaang nakatakas ito kasama ang ilang lider ng MILF kabilang na si Commander Bravo.
Kabilang sa mga target ng tropang gobyerno si Commander Bravo na may base sa Poona Piagapo gayundin ang bahagi ng Camp Abubakar Siddique sa hangganan naman ng Maguindanao at Cotabato.
Ilang terrorist cells ang nabawi rin ng militar sa Munai at Poona Piagapo. Guerilla warfare na ang istilo ng bakbakan sa Lanao kung saan 13 bayan ang direktang apektado ng labanan.
Tumanggi namang magbigay ng target kung kailan matatapos ang bakbakan.
Nilinaw ng militar na hindi titigil ang mga opensibang militar hanggat hindi napipilay ang mga rebelde at hindi nalilinis ang central at northern Mindanao mula sa paghahasik ng mga rebelde.
Sampung bangkay pa lamang ng mga rebelde ang narerekober dahil tinangay at inilibing na ng MILF ang iba nilang napatay na mga kasamahan.
Muli namang nilinaw ni AFP Vice Chief of Staff at spokesman Lt. Gen. Rodolfo Garcia na hindi laban sa grupo ng MILF bilang organisasyon ang ginagawa nilang "punitive attacks" kundi sa mga opisyal at miyembro nitong umaming gumawa ng karahasan sa rehiyon.
Sa rekord ng militar, umaabot sa 210 katao ang napatay ng MILF sa serye ng paghahasik ng mga ito ng terorismo sa Mindanao simula nitong nakalipas na taon.
Sa isang liham na ipinadala sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP)sa pamamagitan ni Mohammad Nur, chief of staff sa office ni MILF Chairman Hashim Salamat, sumasang-ayon na ito sa nais ng Simbahang Katoliko na bumalik sa pakikipagnegosasyon sa gobyerno.
Nakasaad sa liham ng MILF na nakikidalamhati sila sa pagkamatay ng mga inosenteng sibilyan na naipit sa karahasang naganap sa pagitan ng kanilang samahan at puwersa ng militar.
Anila, dito nila nakita at naalala muli ang mga sinapit ng sibilyang Muslim na namatay sa nakalipas na pambobomba sa kanilang kampo sa Camp Abubakar.
Gayunman, mariin pa ring kinondena ng MILF ang terorismo at iginiit na hindi sila ang umatake sa Maigo at Siocon.
Nais na rin ng MILF na tapusin ang armadong pakikibaka dahil wala anyang nagwawagi kung ang mga biktima ay pawang sibilyan at nahaharap sa matinding sigalot ang ekonomiya, pulitika at kultura ng bansa. (Ulat nina Joy Cantos at Jhay Mejias)