Cha-cha pag-itinuloy, maraming House employees ang masisibak

Nangangamba ngayon ang mga empleyado ng House of Representatives sa charter change na isinusulong ng liderato ni House Speaker Jose de Venecia dahil tiyak na marami sa kanila ang mawawalan ng trabaho sa sandaling baguhin ang porma ng Kamara at Senado.

Kung pag-iisahin na ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng parliamentary system, ay siguradong magbabawas ng empleyado dahil magsasama na lamang bilang isa ang kasalukuyang Senado at Kamara.

Naniniwala din ang mga kawani na hindi titigil ang mga mambabatas na nagsusulong ng cha-cha na gagawin ng mga ito ang lahat ng paraan upang maamyendahan ang Konstitusyon.

Kaduda-duda aniya ang sinasabi ng mga pro-charter change na maraming mga Filipino ang pabor na baguhin ang porma ng gobyerno at gawin itong parliamentary system.

Maging sa Senado aniya ay tiyak na nag-aalala na rin ang mga empleyado sa posibleng pagkawala ng kanilang trabaho kapag nagsanib na ang dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ang mangyayari na lamang aniya ay ‘palakasan system’ upang masigurong maibabalik sila sa kanilang trabaho kapag natuloy ang cha-cha. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments