Sa Senate hearing ng committee on justice and human rights na pinamumunuan ni Sen. Francis Pangilinan, tinukoy nina Josephine Musico, Christopher de Lara at Kristine dela Cruz na si Aniano Flores alyas Silver na isang rebel returnee at "trusted asset" ni Col. Palparan ay kabilang sa mga armadong lalaki na humarang sa kanilang sasakyan at dumukot kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy ng Karapatan-Southern Tagalog noong Abril 21 di kalayuan sa 204th IB headquarters sa Pinamalayan, Mindoro Oriental. Noong gabing iyon ay natagpuan ang bangkay ng dalawang lider aktibista sa Bgy. Bunsod, Nauhan, Mindoro Oriental.
Mula umano ng magbalik-loob si Silver sa pamahalaan makaraang sumuko noong 2002 kay Pangulong Arroyo ay naging trusted asset na ito ni Palparan at ipinagkanulo ang mga dating kasamahan sa kilusang rebolusyonaryo at maging ang mga aktibistang hinihinalang sumusuporta sa mga rebelde.
Umabot na umano sa 29 kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang kinakaharap ni Palparan kabilang na dito ang pagdukot at pagpatay kina Marcellana at Gumanoy na naitala mula ng pamunuan nito ang 204th IB sa Mindoro. (Ulat ni Rudy Andal)