Noong Agosto 20, 1988, itinigil na ang giyera ng magkalabang Iraq at Iran at sumunod sa nasabing resolusyon.
Sa walong taong digmaan, sinabi ng Iran na umaabot sa 200,000 na kanilang mamamayan ang nalagas ngunit iginiit ng Iraq na nakapatay sila ng 800,000 Iranians.
Gayunman, nakapagtala ng 300,000 na Iraqis ang napatay sa nasabing digmaan at umaabot ito sa isang milyon mula sa mga nasugatan at nabihag. Sa kabuuan, umaabot umano sa 2 milyon ang casualties sa Iraq-Iran war habang $500 bilyon ang pinsala.
Matapos ito, hindi pa rin tumigil ang Iraq hanggang sa ang Kuwait ang kanyang sakupin noong 1990.
Dahil sa matagal na digmaan ng Iraq at Iran ay nakautang ng malaki ang Iraq sa Kuwait. Hindi pumayag noon ang Kuwait na hindi magbayad sa pagkakautang ang Iraq na naging dahilan upang magalit si Saddam.
Ito ang isa sa dahilan upang sakupin niya ang Kuwait.
Humingi ng tulong sa Amerika ang ibang kalapit na bansa gaya ng Saudi Arabia dahil sa takot na sila rin ay sakupin ng Iraq.
Si US president George Bush, ama ng kasalukuyang pangulo ng Amerika, ang namuno para tulungan ang Kuwait upang mabawi ang nasabing pamahalaan.
Noong 1991 ay nabawi ang Kuwait at umatras si Saddam at mga tauhan pabalik sa Iraq.
(Itutuloy)