Sinabi ni PNP chief for Personnel Records and Management, director Jose Lalisan, nakasisira sa kasalukuyang imahe at programa ng PNP ang ipinalalabas na advertisement ni Lacson.
Sinabi ni Lalisan na gumagawa sila ng paraan para makilala at matiwalag sa serbisyo ang mga tiwaling pulis sa ilalim ng programa ni PNP Chief Director Gen. Hermogenes Ebdane na paglansag sa mga ABAKADANG (Abusado, Bad Eggs, Kotongero) pulis at ang PNP Txt 2910 na siyang maaaring pagsumbungan ng publiko na nabibiktima ng mga abusadong alagad ng batas.
Bilang katunayan, marami na umanong mga pulis ang nasampahan ng kaso, natiwalag sa serbisyo at nakulong ang iba dahil sa pagkakasangkot sa ibat ibang mga kasong kriminal at administrasyon.
Sa kabila nito, inamin rin ni Lalisan na hindi nila tuluyang mauubos ang mga kawatan nilang miyembro sa pulisya hanggat hindi nakikipagtulungan ang mamamayan na siyang mga nabibiktima ng mga ito.
Gayunman, ginagawa rin ng PNP ang kanilang trabaho sa paglaban sa kriminalidad partikular na sa kidnapping na lubhang bumaba na ngayon ang bilang.
Hindi umano patas na ipagmalaki ni Lacson ang kanyang mga nagawa noong hepe pa ito ng PNP sa panahon ni dating Pangulong Estrada dahil may kanya-kanyang maganda at pangit na aspeto ang bawat programa na pinapairal. (Ulat ni Danilo Garcia)