Kano na may SARS, ban sa Balikatan – Reyes

Walang Amerikanong sundalo na may SARS ang makakapasok sa Pilipinas. Ito ang tiniyak kahapon ni Defense Secretary Angelo Reyes kaugnay sa mga pangamba hinggil sa nakamamatay na sakit na severe acute respiratory syndrome.

Ayon kay Reyes, hindi makakalusot ang sinumang Kanong sundalo na kasali sa Balikatan exercises dahil mahigpit silang sumasailalim sa medical examination sa pakikipagkonsultasyon na rin nila sa DOH.

Sinabi ng Defense chief na tuloy ang pagdaraos ng RP-US joint military exercises sa bansa at dalawa ang isasagawang Balikatan - Balikatan 03 at Balikatan 03-1.

Magsisimula na ang Balikatan 03 sa Biyernes, Abril 25 sa Fort Magsaysay, Cavite at Clark, Pampanga at matatapos sa Mayo 8. Magkakaroon din ng civic action activities sa Batangas.

Ang Balikatan 03-1 na idaraos sa Western Mindanao, partikular sa Sulu at Zamboanga ay pinag-uusapan pa. "Pero ang klaro dito, ayon na rin sa ating Pangulo ay walang combat role para sa American forces. Ang combat role ay responsibilidad lang ng mga sundalong Filipino."

Sinabi ni Reyes na kasama rin sa Balikatan 03-1 ang humanitarian assistance, civic action, civil affairs, medical at dental missions. Bukod sa mga nabanggit na tulong, bibigyang pansin sa joint training exercise ang pagpapaigting sa communication, intelligence at mobility ng mga sundalong Pinoy. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments