120,000 troops ibubuhos sa Iraq

Inamin kahapon ng Pentagon na kulang ang 90,000 tropang unang ipinadala sa Iraq upang lupigin ang hukbo ni Saddam Hussein at sakupin ang Baghdad.

Dahil dito, sinabi ng mga opisyal ng US Defense department na karagdagang 120,000 tropa ang ibubuhos pa sa Iraq.

Ayon sa Pentagon, ipinasya ng US ang pagdaragdag ng libu-libo pang sundalo dahil nahihirapan ang coalition forces sa tropa ng Iraq Republican Guard units na mahigpit na nakaposisyon sa Baghdad.

Sa nasabing bilang na nagmula sa US 4th Infantry at Armoured Division, mauunang tutulak ngayong araw sa Iraq ang 20,000 sundalo upang magsilbing suporta sa mga naunang tropa ng 7th Cavalry at US 3rd Infantry Battalion na kasalukuyang nakikipagbakbakan dala ang mga malalakas na sasakyan at armas pandigma laban sa Iraqi troops.

Susunod naman ang 100,000 hukbo ng US at British sa susunod na buwan upang tuluyang palibutan sa loob ng lima hanggang 10 araw ang Baghdad kasabay ng sunud-sunod pang pambobomba sa mga pangunahing target na gusali doon.

Pinangangambahan naman na kapag nakapalibot na sa Baghdad ang buong puwersa ng US-led allied forces ay saka magpapakawala ng kinatatakutang biological at chemical weapons ang kalabang Iraqi troops.

Nahihirapan ang US ground forces na makaabante patungo sa Baghdad dahil sa matinding sandstorm na sinamantala ng Iraqi troops upang iposisyon ang kanilang mga tangke at armas laban sa US allied forces.(Ulat ni Ellen Fernando at AFP)

Show comments