Nabatid kay Health Secretary Manuel Dayrit, kasalukuyan pa lang ipinaiilalim sa awtopsiya ang labi ni Adela Dalingay, 39, tubong Abra at inaasahang aumang oras mula ngayon ay ipalalabas ang resulta nito.
Ipinaliwanag ni Dayrit ang posibilidad ng cremation ni Dalingay dahil may regulasyon ang HK government na hindi pumapayag ang mga ito sa embalsamo sa nasabing kaso.
Sinabi din ni Dayrit na pumayag na rin ang mga kamag-anak ni Dalingay na i-cremate ang labi nito. Inaayos na ng Labor Department ang mga dokumento ng mga magulang ni Dalingay para makapunta ang mga ito sa HK para masaksihan ang cremation.
Inabisuhan na ni Dayrit ang mga Pilipinong manggagaling sa HK, China, Singapore at Vietnam na manatili muna ng isang linggo sa kanilang bahay makaraang dumating sa bansa upang maiwasan ang pagkalat ng virus na SARS o atypical pneumonia.
Pinag-aaralan na rin ng Malacañang ang posibleng pagpapataw ng travel ban sa mga Pilipinong manlalakbay sa mga bansang nagkaroon na ng kasong SARS.
Ayon kay Pangulong Arroyo, ang travel ban ang isa sa nakikitang paraan para makaiwas ang bansa sa paglaganap dito ng SARS. (Ulat nina Lilia Tolentino/Jhay Mejias)