Ayon sa Pangulo, noon pa man ay nakatanggap na siya ng impormasyon sa Amerika na hindi tatagal ang giyera at ang maaaring pinakamatagal na panahong tinaya noon ay hanggang isang buwan.
Subalit base sa naging takbo ng labanan sa pagitan ng US-led coalition forces at Iraqi troops, naniniwala ang Pangulo na hindi na magtatagal at ilang araw na lang ang pinag-uusapan bago matamo ng mga Iraqis ang kanilang kalayaan.
Ang paniniwala ng Pangulo ay inihayag nito matapos na personal na makipag-ugnayan sa mamamayan hinggil sa nagaganap na digmaan sa Gulpo.
Sumakay ang Pangulo sa Metrorail Transit 2 at namasyal sa Megamall sa Mandaluyong City para alamin sa sambayanan ang epekto ng giyera.
Sinabi ng Pangulo na wala pa siyang natatanggap na rekomendasyon mula kay Foreign Affairs Secretary Blas Ople kung dapat nga bang putulin ng bansa ang relasyon nito sa Iraq na siyang hinihiling ng US sa mga kaalyado nitong bansa.
Si Ople aniya ang kanyang inatasan upang magsagawa ng pag-aaral sa naturang isyu. (Ulat ni Lilia Tolentino)