Sa apat na pahinang kasong inihain ng anti-graft body, kinasuhan si Laurel ng graft dahil sa hindi nito pagpapadaan sa bidding sa pagpapagawa ng naturang kontrobersiyal na Freedom Ring.
Nabatid na itinaas ni Laurel ang halaga ng pagpapagawa ng Freedom Ring mula P248 milyon sa P1.165 bilyon ng walang pondo mula sa gobyerno.
Ibinasura pa umano ni Laurel ang Douglas/Gallagher master plan para sa Freedom Ring na nagresulta sa pagtaas ng presyo nito.
Nabayaran din ng National Centennial Commission ng P348 milyon ang Asian Construction Development Authority para sa pagpapagawa ng Freedom Ring sa kabila ng kawalan ng public bidding.
Ibinasura naman ng Ombudsman ang naging paliwanag ni Laurel na inakala niya na pribadong kumpanya ang NCC at hindi na ito kinakailangang dumaan sa bidding.
Nakaligtas naman sa isinampang kaso ng Ombudsman si dating Pangulong Fidel Ramos na siyang nag-utos umano kay Laurel para ituloy ang pagpapagawa ng Freedom Ring. (Ulat ni Malou Escudero)