Sinabi ni Sen. Jaworski, chairman ng senate committee on trade and commerce sa halip na sumakay ang mga kasamahan niya sa senado sa isyu ng pyramid scam investigation ay dapat tulungan na lamang siya ng mga ito upang mapadali ang pagsisiyasat ng komite ukol dito.
Ayon kay Jaworski, noong nagsisimula siyang imbestigahan ang pyramid scam ay halos siyang mag-isa lamang ang dumadalo sa inquiry pero ng biglang mahuli si Rosario Baladjay ng Multitel at pumutok ang scam ay kanya-kanyang payo na ang naririnig niya na dapat gawin.
Inaasahan naman ng mambabatas na dadalhin ni Baladjay sa hearing bukas ang lahat ng hinihinging dokumento ng komite kaugnay sa operasyon ng Multitel kabilang ang listahan ng mga investors nito.
Wika pa ni Jaworski, kapag napatunayan ng Senado na nagsisinungaling si Baladjay dahil sa pagiging iba ng nilalaman ng kanyang dokumento mula sa unang inihayag nito sa komite ay irerekomenda nilang sampahan ito ng kasong perjury.
Samantala, walang balak si Baladjay na umalis sa custody ng senado.
Mas panatag umano ito sa kanyang seguridad kung ito ay nasa pangangalaga ng senado kaysa tuluyang makulong sa Makati City jail kung saan ay may kaso siyang syndicated estafa na walang piyansa. (Ulat ni Rudy Andal)