500 minero nalibing sa gumuhong tunnel ng Mt. Diwalwal

COTABATO CITY – Mahigit sa 500 mga minero ng ginto sa tinaguriang "killer gold mines" ng Mt. Diwalwal sa Monkayo, Compostela Valley Region ang nabaon ng buhay matapos na gumuho ang isang tunnel nito.

Sa panayam kay Presidential Assistant for Mindanao Jesus Dureza, nag-umpisang gumuho ang Destino 5W-670 ng nasabing minahan na pag-aari ng Australia Mining Corporation (AMC) noon pang Martes ng alas-12 ng tanghali.

Ang pagguho ay matapos na bumigay ang mga timber o poste nito hanggang sa tuluyang natabunan ang bunganga o entrance dahilan upang makulong ang mga minerong nasa loob.

Base sa ulat, umaabot na sa mahigit 500 minero ang naipit sa loob ng naturang tunnel at 15 lamang sa mga ito ang nakaligtas habang ang iba nama’y pinaniniwalaang mga patay na.

Ilan sa mga minerong nakaligtas ay kinilalang sina Allan Santos, 17; Bert Caber, Ricky Marangit, Reynante Banduan, Eddie Roxas, Ricky Suringa, Rogelio Lampira, Archie Baguio, Raffy Traya, Cornelio Roselio Jr. at Sergio Bulaong na pawang mga abantero ng minahan.

Kabilang sa mga minerong pinaniniwalaang nabaon sa tunnel ay sina Harry Roselio, Manny Arsagon, Danny Yap, Ernesto Canete at isang Oscar Cuer.

Sinasabing may 10,000 trabahante ang AMC at sa kasalukuyan ay hindi pa natatagpuan ang mahigit 500 sa mga ito.

Napag-alaman na idineklarang "danger zone" ng Department of Environment and Natural Resources ang nasabing minahan noon pang nakaraang taon kung saan pinagbawalan na ang mga minero na magsagawa ng operasyon subalit hindi umano ito sinunod ng mga nagmamay-ari ng mining companies doon.

Ang Mt. Diwalwal ay naging kontrobersiyal hindi lamang sa larangan ng pagmimina kundi pinaniniwalaang dito rin umano itinatago o ibinabagsak ang ilang kemikal sa paggawa ng iligal na droga na itinatago sa loob ng mga naglalakihang tunnels dito.

Sa kasalukuyang ay patuloy ang isinasagawang rescue and recovery operations ng pinagsanib ng puwersa ng DENR, barangay officials, civic action volunteers at PNP-Comval Region. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments