Sa isang pulong balitaan, ipinakita ni AFP spokesman Col. Essel Soriano ang naturang dokumento na pirmado ni MILF vice chairman for political affairs Ghadzali Jaafar at isang North Korean na nagngangalang Rim Kil Dho.
Naisagawa ang bentahan noon pang Setyembre 25, 1999 at naideliver umano ang naturang mga armas noong Setyembre 29 naturan ding taon.
Ipinakita ni Soriano ang mga malalakas na kalibre ng baril kabilang na ang mga bagong modelo ng M-16 armalite, machine gun at isang midget submarine.
Tumanggi naman si Soriano na kumpirmahin kung hawak na ngayon ng mga rebelde ang naturang submarino na maaaring gamitin sa paglabas-pasok ng mga opisyal ng MILF sa bansa, pagpasok ng mga armas at mga importanteng kagamitan na hindi nade-detect ng Phil. Navy.
Nakuha ang naturang dokumento noong nakaraang Pebrero sa bahay mismo ni MILF chairman Hashim Salamat sa pagkubkob ng AFP sa Buliok complex.
Sinabi ni Soriano na nanggaling ang naturang pondo buhat sa suporta ng ibang bansa na sumusuporta sa terorismo. Malaki umano ang posibilidad na may kaugnayan dito si Al-Qaeda leader Osama bin Laden. (Ulat ni Danilo Garcia)