Pilipinas paborito ng mga pedophile sa US at Europe

Nabahala si Senate Majority Leader Loren Legarda sa napaulat na umaabot ang child prostitutes sa bansa ng 100,000 kaya ito ang naging paboritong destinasyon ng mga pedopilya mula sa Amerika at Europe.

Naghain si Sen. Legarda ng resolusyon upang imbestigahan ng Senado ang tumataas na bilang ng child prostitutes sa bansa sa kabila ng umiiral na batas upang proteksiyunan ang mga ito partikular ang RA 7610.

Tinukoy na paboritong puntahan ng mga pedophile ay ang Metro Manila, Angeles City, Cebu City, Puerto Galera at Davao, ayon sa ulat ng Indian Express wire service.

Ipinaliwanag pa ng mambabatas, mataas na porsiyento ng mga biktima ng prostitusyon ay nagkakaroon ng problema sa pag-iisip kaya kahit masagip ang mga ito ng gobyerno ay muling nagbabalik sa sex industry. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments