Shootout: 6 todas

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite - Anim na kalalakihan na pawang mga miyembro ng Bonnet Bagets Gang ang napatay ng puwersa ng Cavite Police Provincial Office sa naganap na engkuwentro dito habang nagsasagawa ng checkpoint sa panulukan ng Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas, Cavite kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang anim na napatay na sina Sandy San Diego, Mar Bulatao, Sonny Fernandez, Ning-Ning dela Cruz na isa umanong bakla, isang alyas Noli at isang alyas Arnold. Ang mga suspek na pawang residente ng Phase 4 Brgy. Paliparan 3 ay responsable sa serye ng highway robberies at carnapping incident sa lalawigan.

Sa ibinigay na report ni Cavite Provincial Director Sr. Supt. Robert Rosales, naganap ang engkuwentro dakong alas-3:50 ng madaling araw.

Una rito, bandang alas-11:30 ng gabi ng Biyernes ay kinarnap muna ng mga suspek ang isang Toyota Tamaraw FX na may plate no. UUW-591 sa isang Santiago Marquez sa kahabaan ng Anabu, bayan ng Imus.

Piniringan ng mga suspek si Marquez saka hinubad ang kanyang mga sapatos at itinapon sa isang lugar sa bayan ng General Trias. Gayunman, nagawang makapagsumbong sa pulisya si Marquez dahilan para agad na magsagawa ng dragnet operation ang mga awtoridad sa nabanggit na lugar sa pangunguna ni Supt. Rhodel Sermonia.

Dakong 3:30 ng madaling araw habang naka-poste umano sila sa Brgy. Paliparan ay nakatanggap sila ng report na may nagaganap na robbery sa 7-11 convenient store sa tapat ng De La Salle University.

Sa pahayag ng security guard ng 7-11 na si Marcial Tauon, nagpanggap umanong costumer ang isa sa mga suspek, subalit ng mapalapit na sa kanya ay tinutukan siya ng armalite saka na nagpasukan ang iba pang mga kasama nito na pawang armado ng matataas na kalibreng baril at may dala pa umanong granada.

Nilimas ng mga suspek ang cash sa kaha nito at tinangay ang service firearm ni Tauon na kalibre .38.

Bago tumakas ay nagpaputok pa ang mga ito sa loob.

Dito na nagkaroon ng kalahating oras na habulan at sa halip umanong sumuko ay pinaputukan ang humahabol na mga pulis dahilan para gantihan na rin sila ng putok na ikinasawi ng anim na suspek.

Narekober ng pulisya ang FX na ginamit, limang kalibre. 38, isang M-16 armalite rifle, isang kalibre .45, isang granada at ang pitaka na pag-aari ng carnap victim. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments